Thursday, July 10, 2014

Ipon, ipon pag may time; gadgets, gadgets din pag may ipon

Marami ang nagsasabi na dapat ang mga OFW ay mag-ipon hanggat sila ay kumikita pa sa abroad. Mag-ipon para sa kanilang retirement at mag-ipon para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

Lahat po yun ay tama. Ginagawa ko rin yun dahil yun naman po talaga ang isa sa mga adhikain natin bilang isang OFW.

Kaya nga lang naitatanong ko paminsan-minsan sa aking sarili kung gaano ba dapat karami ang ating ipon? Hanggang kailan ba dapat mag-ipon? Kailangan bang mag-ipon hanggang mag retiro? Paano kung may ipon ka na, meron pa bang ibang bagay na dapat gawin bilang isang OFW?

Paminsan minsan ay nakakabasa ako sa internet ng mga komento, blogs at iba pa na humuhusga sa mga OFW na panay ang bili ng gadgets para sa mga anak. Ang totoo minsan ay hindi ko maiwasan masaktan. Masama ba bumili ng gadgets? Siguro masama kung uunahain yun kesa sa mas higit na importanteng bagay tulad ng bahay, pag-aaral ng bata, pagkain at iba pa.

Bago ko ibahagi ang aking saloobin tungkol sa bagay na ito ay nais kong malaman nyo na anak din ako ng isang OFW. Ang aking ama ay isang retiradong seaman. Sa aming pamilya ako at ilan sa aking mga kapatid ay pangalawang henerasyon nang OFW.

Nung bata pa ako at nangungupahan pa kami sa Tondo ay palaging may pasalubong ang aking ama sa aming magkakapatid sa tuwing sya'y nagbabakasyon. Meron akong kotse-kotsehan na F1 at de baterya, nagsasalitang manika sa aking kapatid na babae, sapatos na Adidas (di pa uso yung Nike noon), Mickey Mouse watch at ang di ko malilimutan na "Talking View Master Reel." Marahil hindi alam ng iba sa inyo kung ano yun. Yun ang usong gadget noon na sisilipin mo sa tapat ng liwanag at may makikita kang colored picture at may recording pa sya. Isa rin kami na unang nagkaroon ng imported na black and white na TV sa aming lugar at sa gabi kami ay nanonood ng Hawaii Five-O, Kung Fu, Starsky and Hutch, Six Million Dollar Man, Wonder Woman at ang paborito ng Mama ko na "Tawag ng Tanghalan" at "Gulong ng Palad." Sino ang makakalimot sa mga palabas na Voltes V, Daimos, Mazinger Z, Star Rangers at iba pa? Hanggang ngayon ay nakakatuwang makita ang mga kinalakihan kong heroes pag isinasama ko ang aking pamilya sa Toy Convention sa SM Megamall. Naging pamilyar sila sa mga super heroes ko noong bata pa ako dahil sa aking mga kuwento. Lahat ng yun ay malinaw pa sa aking alaala dahil naging parte sila ng aking masayang pagkabata.

Nang mag High School naman ako sa Don Bosco Tarlac ay tuloy pa rin ang bili ng papa ko ng mga gadgets. Meron akong Game and Watch na Turtle at Portable Video Games. May kulay na rin ang TV namin na may ka-parnter ng Betamax at kalaunan ay naging VHS. Isa rin ako sa iilan sa aming klase na unang nagkaroon ng Walkman. Bukod sa original na sapatos at relo ay nabibilhan din kami ng aking magulang ng maayos na damit. Limang patong din ang component namin sa bahay na may malalaking speakers; pareho kasi kami ng ama ko na music-lover. Ang saya ng buhay ko ng High School at isa sa mga dahilan ay dahil sa mga gadgets na binili ng aking ama na OFW.

Ngayon pag nakikita ko ang aking ama na matanda na at namumuhay ng payak at masaya kasama ng aking ina ay lihim akong nagpapasalamat sa taong nagbigay ng kulay at importansya sa aking kabataan. Oo, hindi nga ganon karami ang ipon ng aking ama ng sya ay mag retiro at bukod doon ay nagkaroon lang kami ng sariling bahay ng nasa beinte anyos na ako; siyam kasi kaming magkakapatid. Ganon pa man, ang ipon ng aking ama ay nasa aming mga anak nila. Kami ngayon ang nag-aaruga at gumagabay sa kanila.

Ngayong ako naman ang nag-a-abroad ay ang mga anak ko naman ang humihingi ng gadgets at appliances. Nabilhan ko na silang 3 magkakapatid ng Gameboy (Advance/Color/Dual-Screen), PSP, MP3 and MP4 players, Netbook, Tablets, Smartphones, Laptops, PS1 at PS2, DSLR, Videocam at marami pang iba. Bukod pa sa flat screens at ibang gamit sa bahay na hiling naman ng aking asawa. Karamihan ng mga iyun ay sira na at ang iba naman ay ginagamit pa rin nila.

Para sa ibang kapwa ko OFW, maari nilang isipin na mali ang aking prioridad at nagsayang lamang ako ng pera. Aaminin ko, malaking halaga din ang nawala sa akin ng masira at mawala ang mga gadgets na yun lalo na nang malubog ang aming bahay sa baha dahil sa bagyong Ondoy. Marahil kung ginamit ko sa negosyo ang perang ibinili ko ng mga gadgets ay baka kumita pa yun pero meron din akong kilalang mga OFW na nalugi rin sa negosyo ang kanilang matagal na inipong puhunan at kalaunan ay bumalik muli sila sa pagiging OFW.

Naaalala ko ng binilhan ko ng Gameboy ang panganay kong anak na lalaki na ngayon ay nag-aaral ng abogasya. Ang saya-saya nya, nag-kiss pa sya sa akin. Nakita ko ang sarili ko nung bata pa ako nang mga sandaling yaon. Marahil yun din ang naramdaman ng aking ama kaya patuloy sya sa pagbili ng mga gadgets kahit dumadami na kaming mga anak nila. Marahil ay lubha syang naging masaya sya nung makita nya kung paano kami nag-e-enjoy sa mga binili nyang gadgets noon.

Minsan ng nagbibidahan kami sa abroad ng kapwa ko OFW, ang saya ng pakiramdam kapag napaguusapan ang nagdaan naming kabataan. Nakakatuwa kung paano namin i-describe ang cassette tapes at plaka sa aming mga anak. Kung paano namin pagusapan ang mga usong games sa Family Computers at Atari noon. Pero napansin ko rin na meron din kaming kapwa OFW na tahimik lamang at nakikinig sa aming bidahan. Nalaman namin na hindi raw nila naranasan ang mga bagay na yun dahil puro trabaho lang daw sila ng kabataan nila kaya bumabawi raw sila sa kanilang mga anak upang di maranasan ang hirap na naranasan nila at ang kanilang lumipas na kabataan. Para naman sa akin, oo, karaniwang mahal ang gadgets pero ang makita mo ang nanlalaking mata ng iyung mga anak pagkahawak nito ay "PRICELESS." May ikukuwento na rin sila sa mga anak nila pagtanda nila habang ako naman ay may babalikan sa aking mga ala-ala sa aking pagreretiro sa abroad.

Kailan mo bibilhan ng tablets, laptops o playstation ang iyung mga anak? Pag meron na rin silang anak? Pag hindi na sila interesado dito? Pag mayaman ka na? Hindi ba parang sarili lang natin ang iniisip natin dahil ipinagkait natin sa ating mga anak ang kanilang munting kaligayahan habang sila ay mga bata pa para lang sa komportableng retirement? Bakit sigurado ka bang aabot ka pa ng retirement o uuwi ka ng naka-kahon tulad ng ibang kasama ko na OFW din? Hanggang kailan tayo dapat mag-ipon at kalimutan na ang kabataan ng ating mga anak ay panahong hindi na maibabalik magpakailanman? Puspusin nyo ng pagmamahal at bigyan ng magandang gabay at kinabukasan ang inyung mga anak at sila ang magiging ipon nyo sa inyong pagtanda; yun ang ganang akin kabayan. Peace :-)

1 comment:

  1. I'm 100% agree with you kabayan, same as you I was also a son of OFW what you experienced I do also. For OFW out there this is the best time to make your children childhood memorable.

    ReplyDelete