Ilang taon din tumulo ang laway ko sa kakatingin sa Montero Sports (MS).
Para sa akin, simple at hindi naluluma ang design ng kasalukuyang Montero
Sports lalo na at maluwag ito sa loob bukod pa sa malakas na makina.
Next year ay magkakaroon na ng bagong modelo ang MS dito sa
atin kaya nagbibigay nang malaking discount and Mitsubishi Motors. Naingganyo tuloy
ako na bumili ng GLS-V SE dahil ayaw ko ng itsura ng bagong MS. Ano pa ang aayawan
mo sa 200 thousand pesos discount plus low downpayment, kasama na doon ang lahat ng dapat
mong bayaran kapag ikaw ay nag car loan tulad ng chattel, insurance at LTO. May lifetime free GPS access pa ito.
Sa madaling salita, may GLS-V na ako sa wakas, limited edition pa! Kailangang ibenta ko nga lang ang mahigit 7 taon naming family car na Nissan Grand Livina dahil iisa lamang ang aking garahe at wala namang gumagamit ng sasakyan sa amin kapag nasa trabaho ako.
Bakit MS gayung marami na raw kaso ng Sudden Unintended
Acceleration (SUA) ang sasakyang ito. Aware ako sa SUA ng MS dahil putok itong
balita ilang taon na ang nakakaraan. Nakakagulat nga lamang at nabuhay ulit ang
issue na ito at karamihan ng kaso ay noong 2011 pa.
Bago ako magbigay ng aking saloobin sa bagay na ito ay nais
kong ipaalam sa mga nagbabasa ng post na ito na mahigit 10 taon na akong nagmamaneho ng automatic. Marunong din ako sa manual dahil puro full 4x4 ang service ko sa Yemen.
Ano ang pagkakaiba ng MS, particular na yung mga
naunang modelo, sa ibang SUV? Ito lamang ang modelo ng SUV na walang brake interlock ang kambyo. Ito ang nakikita kong dahilan bakit ang MS lang ang may ganitong kaso at wala sa ibang car brand dito sa Pilipinas. Sa
aking pagkakaunawa, puede mo ilipat-lipat ang kambyo mula sa Park (P), Reverse
(R), Neutral (N) at Drive (D) ng hindi tinatapakan ang preno.
Para sa kaalaman ng lahat ganito ang pagkakaiba ng walang
brake interlock sa kambyo sa merong interlock. Ginawa ko na lang simple para mas madaling maunawaan.
Park to Reverse
Ibang Car Brand:
Hindi mo maililipat sa Reverse "R" ang kambyo mula sa Park "P" pag hindi nakatapak sa brake pedal.
Old MS (walang brake pedal interlock)
Old MS (walang brake pedal interlock)
Puede ilipat sa Reverse "R" ang kambyo mula sa Park "P" kahit hindi nakatapak sa brake pedal. Pag gas ang natapakan ay aatras ng mabilis.
Park to Drive
Ibang Car Brand:
Hindi mo maililipat ang kambyo sa Drive "D" mula sa Park "P" pag hindi nakatapak sa brake pedal.
Old MS (walang brake pedal interlock)
Old MS (walang brake pedal interlock)
Puede mo ilipat sa Drive "D" and kambyo mula sa Park "P" kahit hindi nakatapak sa brake pedal. Pag gas ang natapakan ay aabante ng mabilis at pag umabot sa VGT rpm ay haharurot.
Mapapansin ninyo kung gaano kalapit sa disgrasya ang lumang modelo ng MS na automatic. Dito pa lang ay malinaw na ang dahilan kung bakit puro automatic na MS ang nakakaranas daw ng SUA. Sabi nga, "no room for error." Pero paano pag ikaw ay nagkamali? Ano sa tingin ninyo ang maaaring mangyari? Sa libo-libong may-ari ng lumang modelo ng MS na automatic transmission ay hindi puedeng walang nagkakamali lalo na kung first timer o bago pa lamang nagmamaneho ng automatic transmission. Hindi maikakaila na may mga aksidente na ang dahilan ay maling tapak ng driver at ito ay nangyari na rin sa ibang tatak at modelo ng mga sasakyan sa buong mundo. Kahit ako minsan ay namamali ng tapak sa aking Grand Livina; imbes na preno ay gas ang aking natatapakan sa simula. Mabuti na lamang at hindi ko puede ilipat ang kambyo mula sa "P" papuntang "D" dahil may brake interlock ang aking sasakyan. Sa aking pananaw, dito may pagkukulang ang Mitsubishi Motors. Dapat lamang na naglagay sila ng brake interlock sa mga lumang modelo ng MS dahil kahit mga mas lumang modelo na sasakyan na automatic transmission ay meron ng ganitong safety feature.
Sa 97 na kaso ng MS SUA ay aminin natin na ilang kaso ay madaling mapatunayan na driver error lalo na at maraming kaso ng SUA ay nagsisimula pa lamang paandarin ang kanilang MS o kaya ay nagmamaniobra tulad ng viral video na kung saan ay ilang motorsiklo ang naatrasan at ilang kotse naman ang nabangga; habang nangyayari yun ay hindi umilaw ang mga brake lights ng MS.
Hindi ko nilalahat na ganito ang kaso ng ibang SUA dahil hindi ko naman alam kung ano talaga ang aktwal na nangyari sa iba. Pero hindi pa nauulit ng kahit sinong eksperto sa sasakyan ang MS SUA at sa loob ng ilang taon ay wala pa ring eksperto sa sasakyan na nagkumpirma na ang dahilan ng MS SUA ay dahil may sira sa sasakyan o sa electronic control nito.
Maaari nating sabihin na electronic fault, program fault, sensor failure at kung ano-ano pa. Kaya tama lamang na pinag-aaralan ngayon ng mga eksperto ang problema. Maghintay na lamang tayo ng resulta ng kanilang pag-aaral. Huwag na tayong magmarunong sa mga bagay na kulang tayo sa kaalaman. Pero sa ngayon ay iisa pa lamang ang kongkretong napapatunayan, may mga nagkamaling driver na nagresulta sa SUA dahil sa kakulangan ng safety feature ng lumang modelo ng MS.
Kung meron mang naging mabuting resulta ang mga SUA na ito ay siguro ng lagyan na ng Mitsubishi ang mga bagong modelo ng MS ng brake pedal interlock shifting. Ngayon hindi mo na maaalis ang kambyo mula sa "Park" pag hindi ka na nakatapak sa preno. Magmula noon ay halos wala ng mga sumunod na kaso ng SUA hindi tulad noong 2011na halos buwan buwan ay may nare-report na kaso.
Mitsubishi Press Release
Dahil dito ay naging mas panatag ang loob ko sa bago kong bili na MS.
Sa ngayon ay hindi ako apektado ng SUA puwera lamang kung may mapatunayan ang mga eksperto na kahit isang kaso man lamang na may nag malfunction na old model na MS at hindi ito naayos sa bagong modelo. Pinapangako ko na sasama ako na magde - demand sa Mitsubishi Motors ng recall or repair.
Malapit na ang aking bakasyon at excited na ako sa aking GLS-V; naka-schedule na kaming bumiyahe muli sa Baguio.
Bilang isang OFW, isa ito sa matagal ko ng pangarap na natupad.
Revised: 15 Dec 2015
Ngayong nasa trabaho na ulit ako ay na-mimiss ko na ang aming MS. Base sa aking karanasan, hindi na ako nagtataka kung bakit matagal na naging number 1 SUV ang MS sa Pilipinas. Para sa mga hindi sanay sa VGT tulad ko, nakakagulat ang lakas at hatak ng makina nito lalo na pag nasa 50 kph ka na at pumasok na ang VGT.
Update: 21 Jan 2016
No comments:
Post a Comment