Pages

Friday, May 30, 2014

"Ang sarap kumita ng dolyar sa Middle-East"

"Pare, ang sarap naman kumita ng dolyar!"

Yan ang madalas sabihin ng aking mga kakilala at kaibigan pag nakikita nila ako tuwing ako'y nakabakasyon. Palibhasa nakikita nila kung gaano ako ka-relax kasama ang aking pamilya tuwing weekend o family day kung tawagin. Marahil nakikita rin nila yung mga naipundar ko sa tagal ng aking pagiging OFW sa Middle-East. Natanong ko tuloy ang aking sarili kung masarap nga bang kumita ng dolyar sa Middle-East?

Patapos na ang summer sa Pinas. Ito ang isa sa mga panahon na dagsa ang mga kapwa ko OFW sa paguwi sa ating bayan. Bakasyon kasi kaya masarap mamasyal o mag-outing pag walang pasok ang mga bata. Sa ganitong panahon ako madalas ma-upgrade sa business class kasi palaging fully-booked ang mga eroplano papuntang Pinas; member kasi ako ng Skywards o frequent flyers club ng Emirates kaya priority kami sa upgrade. Ganon din pag pabalik na ng Middle-East pagkatapos ng summer vacation, dagsa din ang mga kapwa ko OFW pabalik sa kani kanilang trabaho.

Papasok na ang buwan ng Hunyo at palipas na ang summer sa atin habang sa Middle-East naman ay magsisimula pa lang ito. Parang ang sarap pakinggan, enjoy sa summer vacation sa Pinas then pagbalik sa work ay summer pa din. 

Ang totoo itanong nyo man sa kapitbahay nyong nakarating na sa Middle-East, itong summer sa Middle-East ay kasumpa-sumpang panahon. Naaalala ko noong nasa offshore ako sa Abu Dhabi maraming taon na ang nakakalipas, muntik na akong mag collapse dahil sa heat stroke. Lagpas 40 degrees Celsius and temperatura at tagaktak ang pawis ko habang nagtratrabaho at sinabayan pa ng humidity dahil nasa gitna kami ng dagat. Naririnig kona ang pintig ng aking puso at medyo nahihilo at nanlalamig na ako. Nag paalam ako sa aking amo para magpahinga dahil baka tamaan ako ng heat stroke na maari kong ikamatay. Heat stroke vs dollar, anyone?

Ngayon naman nasa gitna ako ng disyerto, hindi na masyadong humid kahit napakainit ng summer. Kaya medyo kaya na ang mabibigat na trabaho sa labas wag lang mag sand storm. Pero kanina ay napapalakas na yung hangin dahil papasok na ang tag init dito. Kung 38 degrees ay maalinsangan na sa Maynila, dito sa kinaroroonan namin sa Yemen ay presko pa rin ang aming pakiramdam. Next month ay papalo na sa 40 degrees ang temperatura dito sa worksite ko. Kailangan na ng sunblock at tissue sa work kasi minsan napatak yung dugo mula sa aking ilong dahil sa sobrang init. Nosebleed in summer vs dollar, anyone?

Pagkatapos ng summer dito sa Middle-East ay winter naman ang kalaban namin. Kung minsan ay bumabagsak pa sa 5 degrees ang lamig kaya bukod sa cover-all ay meron ka pang makapal at mabigat na panlamig. Hindi ka na nga magnose bleed pero putok naman ang labi dahil sa tindi ng lamig. Minsan pati coverall na pangtrabaho ay ipinapantulog na rin para may panlaban sa lamig. Cracked lips vs dollar, anyone?

ganito ako noon

eto ako ngayon

Klima pa lang ang pinaguusapan natin. Paano na pag ikaw ay naatasan na magtrabaho sa ibabaw ng storage tank na may taas na 15 metro? Pag-akyat pa lang ay hilahod na ang dila mo sa bigat ng protective equipment and hand tools mo. O kaya ay nakasakay ka sa basket na minsan ay tinatangay pa ng malakas hangin at nakabitin sa taas na mahigit 20 metro. Sasabayan pa ng buwisit na sand storm. Kaya paguwi mo mula sa trabaho ay napuno na ng ga-pulbos na buhangin ang loob ng tenga at ilong mo. Pwera pa yung puwing sa mata. Naninikit rin ang iyung mga buhok dahil sa pagkapit ng buhangin. Hindi ka rin makatawa habang may sand storm dahil sisingit ang mga buhangin sa pagitan ng mga ipin mo. Sand storm vs dollar, anyone?

Ganon pa man, kilala tayong mga pinoy bilang hard-working at matiisin. Kahit araw-araw na pritong manok ang ulam sa mess hall ay kaya nating tiisin. Sabi nga basta may manok at kanin ay mabubuhay tayo. Kahit bawal ang tagay sa worksite ay tiis pa rin tayong mga pinoy. Madalas napakabagal pa ng internet kaya pati mga mahal natin sa buhay sa Pinas ay tiis din dahil pahinto hinto ang chat at skype. Minsan pag bumabaha sa inyong lugar sa Pinas, nagpapanic na ang pamilya mo pero naka-freeze ang FB page mo dahil sa bagal ng net. Slow internet vs dollar, anyone?

Pag minalas malas ay dadapuan ka pa ng sakit. Nandyang magdamag kang may diarrhea tapos hapon pa ang bukas ng clinic kaya di ka makapasok sa umaga. Buti na lang may banyo sa loob ng kwarto namin kaya kahit paano ay madali kang makaraos. Minsan kasi dahil sa gutom kahit may langis at grasa pa ang mga kamay ay kakain na. Ang diarrhea ay para lang sipon kung aming tratuhin. Puede mo inuman ng gamot o wag mo pansinin dahil pakiramdam mo lang naman yun. Diarrhea vs dollar, anyone?

Kamakailan lang ay yumao ang isa kong tyahin. Malapit kami sa kanya lalo na nung maliliit kami. Pero nasa duty ako ngayon kaya hindi ko man lang nasilayan kahit ang burol nya. Ganon din ng iniwan kami ng aming lolong intsik at isa kong tiyuhin na kapwa malapit sa akin. Wala ako sa Pinas ng sila ay yumao. Malungkot kung iisipin pero kaya naman kung titiisin. Missing a loved ones funeral vs dollar, anyone?

Apat na linggo ang aking trabaho pagkatapos ay apat na linggo ring bakasyon; dose oras araw araw ang duty at pag nagka-aberya sa planta ay tatawagin ka pa sa gabi at kung minsan derecho na hanggang umaga ang trabaho. Ilang taon lang ang nakakaraan ng magkaroon ako ng anxiety attack na syang dahilan ng irregular heart beat ko dahil sa panay panay na emergency calls sa loob ng ilang buwan dahil sa mga bago naming kagamitan at makinarya na nagkakaaberya halos gabi-gabi. Minsan kahit walang tawag ay parang naririnig ko ang ring ng aking telepono sa aking isipan at panaginip. Kahit nakabakasyon ako ay parang nagugulat ako pag nagri-ring ang aming telepono sa bahay. Mabuti naman at nabawasan yun ng maging maayos na ang takbo ng mga bago naming kagamitan at makinarya. No day off and 12 hours duty with night call vs dollar, anyone?

Kaya sa susunod na bakasyon ko ay marami akong plano. Kakain kami ulit ng aking pamilya sa eat-all-you-can at manonood kami ng sine sa SM North pag may magandang palabas. Magpapaluto ako sa aking biyenan ng paborito kong adobong manok sa gata at rellenong Bangus. Susundutin ko ng agua de pataranta pagkatapos ng hapunan para makatulog ng maaga. Limang oras kasi advance ng Pinas sa Yemen kaya antok na ang pamilya ko pag alas diyes ng gabi pero pakiramdam ko ay alas-singko pa lang ng hapon. Kahit nakatagay madalas ay alas dose pa rin ako nakakatulog. Pagbalik ko naman sa trabaho, alas-otso pa lang ng gabi ay parang ala-una na ng madaling-araw. Bagsak na agad sa kama. Pagdating naman ng alas-dos ng madaling-araw ay mulat na ang mga mata at naghihintay na ng pagpasok.

Habang nakabakasyon mas gusto ko pa sa bahay lang ako pag weekdays kasama si misis habang nanonood ng teleserye. Minsan kasi pag gumala ay di maiwasan na may makitang kakilala at kaibigan sabay parinig ng "ang sarap talaga kumita ng dolyar sa Middle-East."


1 comment:

  1. Sobrang nakaka relate po ako dito sa post niyo sir. Mahirap nga talagang magtrabaho abroad at lalong hindi biro ang sakripisyo ng mga nasa oil & gas industry. 5 years pa lang ako sa work pero pakiramdam ko isang dekada na ako nagtatrabaho.

    ReplyDelete