Pages

Tuesday, August 5, 2014

Kabayan, espesyal nga ba ang lahi natin?

Noong nandoon pa ako sa dati kong kumpanya sa Yemen ay madalas na nakakakuwentuhan ko ang mga lokal pag free time namin. Sa aming kuwentuhan ay hindi maiwasan na makapagtanong kami sa isa't isa ng mga bagay bagay na sa tingin namin ay natatangi sa aming mga lahi.

Dahil dito ay marami akong natutunan tungkol sa kanilang paniniwala, tradisyon at kultura. Minsan naman ay sila naman ang nagtatanong sa akin kung ano ba ang buhay sa Pinas.

Isang araw habang kausap ko sila, isang instrument technician at isang instrument supervisor, ay naitanong sa akin ng technician na lokal kung bakit kahit saan daw parte ng mundo ay may Pilipino na nagtratrabaho. Para sa akin ay madali lang ang sagot dyan dahil naipaliwanag ko na yun sa iba pang mga lokal at ibang lahi na nakasama ko sa trabaho. Nais ko sanang sabihin na kulang ang opportunidad sa Pinas at kung meron man ay mababa ang sahod kaya napipilitan ang mga Pilipino na makipagsapalaran sa ibang bansa tulad ko. Pero laking gulat ko ng sumagot yung lokal na instrument supervisor sa tanong ng kanyang technician. Aniya: "Filipino is a special race."

Natigilan ako dahil hindi ko alam kung yun ba ay isang komplimento o isang insulto sa aking lahi. Nang mapansin nya na natigilan ako at ang kanyang kasamang technician ay nagpaliwanag sya. Sabi nya, oo, marami ring mga Indiano na nagtratrabaho sa iba ibang parte ng mundo pero natural lang yun dahil labis ang dami nila samantalang ang mga Pilipino ay wala pang sampung porsyento ng kanilang populasyon pero makikita mo rin sila sa iba't-ibang parte ng mundo. Bukod doon ay maraming kumpanya ang mas pinipili ay Pilipino kesa sa ibang lahi. Nakilala ang mga Pilipino sa iba't-ibang larangan ng trabaho sa iba't-ibang parte ng mundo dahil espesyal ang lahi nila, dagdag pa nya. Hinalimbawa nya yung iba naming mga lokal na amo na kumukuha ng doctorate; mga pinoy daw ang mentors nila. Natapos bigla ang aming usapan dahil sa may emergency call sa planta at kailangan naming bumalik sa trabaho.

Natapos man ang aming kuwentuhan ay patuloy pa rin akong nag-isip sa sinabi ng aking kasamang supervisor na lokal. Para kasing totoo ang kaniyang sinabi. Bakit nga ba kahit saan ka pumunta ay may mga pinoy na hinahangaan dahil sa kanilang galing, sipag at dedikasyon sa trabaho.

Ang aking ama ay isang retiradong seaman, meron din akong tiyuhin na doktor at mga pinsan na nurse sa Amerika. May pinsan din akong IT specialist sa Maldives. Nandyan din yung pinsan kong head butler sa France. Ang bayaw ko naman ay trailer driver sa Canada at susunod na roon ang kaniyang pamilya sa isang taon. Ang kuya naman ng aking misis ay isang weather forecaster sa Pag-asa na lumipat na rin sa Congo. Meron akong mga kaklase na highly skilled workers sa Australia samantalang yung iba naman ay factory workers sa Taiwan. Ano nga ba meron ang lahing pinoy? Kahit dito sa bago kong kumpanya sa Yemen ay mas gusto nila ang Pilipino kaysa sa ibang lahi. Meron din akong amo dito na nagdo-doctorate at pinoy ang kanyang mentor. Nagpadala pa nga sya sa akin ng regalo para sa kanyang mentor ng magbakasyon ako.

Sa aking pagmuni- muni ay marami ngang larangan ng trabaho na kilala ang galing ng mga Pilipino tulad ng:

- Seaman. Sabi nga, 30 porsyento ng mga seaman sa buong mundo ay mga pinoy.
- Kilala ang ating mga health workers tulad ng doktor, nurses at iba pa sa buong mundo.
- Naungusan na rin natin ang India sa call center industry.
- Marami rin tayong mga magagaling na IT specialists na nasa ibang bansa.
- Sa hotel and services naman ay hindi maikakaila na napakaraming Pilipino ang nagtratrabaho sa mga hotel sa Dubai, Bahrain, Macau samantalang ang iba naman ay service crew ng mga kilalang fast food chains sa abroad. Sa mga duty free sa Middle-East ay karamihan mga pinoy din ang aking nakikita.
- Ang ating mga DH ay in demand din sa maraming bansa.
- Marami na rin tayong mga English teachers sa Thailand, Myanmar, Laos at South Korea.
- Hindi rin mabilang ang ating mga factory workers sa Taiwan at South Korea.
- Nakikipagtagisan din kami, kasama ang inyong lingkod, ng galing sa ibang lahi sa mga oil and gas facilities sa Middle-East, Africa at Russia.
- Kahit ang ating peace contingent sa Israel, Africa at East Timor ay hinahangaan din ng UN.
- Kailan lang ay napabalita na ang mga weather forecasters natin ay na-pirate na rin ng Dubai, Qatar at Africa; isa na rito ang aking bayaw..
- Namamayagpag din ang ating mga engineers, technicians at iba pang mga highly and semi-skilled workers sa Middle-East at Africa.
- Hindi ba't marami rin tayong mga kababayan sa US Navy.
- Kilala rin kung gaano kagaling mag-alaga ang ating mga caregivers sa Japan, Canada, Amerika at Europe.

Batid ko na bukod pa sa mga binanggit ko sa taas ay marami pa tayong mga kababayan na nagtratrabaho sa iba pang bansa na hinahangaan din sa kanilang mga trabaho.

Nakakataba ng puso na malaman mula sa isang banyaga na espesyal pala ang tingin niya sa ating lahi. Kahit ako ay hindi ko naisip na iyun pala ang pananaw niya kung bakit ang mga Pilipino ay makikitang nagtratrabaho sa halos lahat ng parte ng buong mundo.

Ano nga kaya ang magiging kinabukasan ng ating bayan 20 o 30 taon mula ngayon? Tanging ang panahon lang ang makakapagsabi kung ano nga ba ang nakalaan para sa lahi nating mga Pilipino pero maari ngang totoo ang tinuran ng aking kaibigang Yemeni na espesyal ang ating lahi. Sang-ayon ba kayo sa  kanyang sinabi kabayan?


3 comments:

  1. nothing really. we are the cheapest cattle in the lot, so to speak. it's just pinoy pride that embelish such lofty ideas.

    ReplyDelete
    Replies
    1. You have your opinion but as I clearly stated on my post it was another nationality that thinks otherwise.

      Delete
  2. I agree with the article. Our Omani HR officer said he has high respect for Filipino workers. Mas gusto niyang mag hire ng Pinoy kesa sa iba. -- JM. from Sohar, Sultanate of Oman

    ReplyDelete