Pages

Sunday, March 8, 2015

Kabayan, nais mo bang sumunod sa yapak mo ang iyong mga anak?

Ilang taon na ang nakakaraan ng umattend ako ng homecoming sa aming probinsiya sa Tarlac. Nakita ko ang mga kaklase ko noong High School at ang una naming napagusapan ay ang aming mga propesyon. Hindi na ako nagtaka ng malaman ko na marami sa aking mga kaklase ay sumunod sa yapak ng kanilang mga magulang. Ang iba ay naging doktor, abogado, negosyante at pulitiko katulad ng kanilang mga magulang. Ako naman ay naging OFW katulad din ng aking ama na isang retiradong seaman. Kahit hindi ako seaman bagkus isa akong manggagawa sa oil and gas dito sa Gitnang Silangan ay hindi maikakaila na pareho kaming OFW ng aking ama.

Marami sa atin ang nais na sumunod sa yapak ng ating mga magulang at normal lang iyon. Meron din sa atin na nais pasunurin ang kanilang mga anak sa kanilang yapak, at normal din yaon. Meron akong mga kasamang OFW na nais din nila mag abroad ang kanilang mga anak para kumita raw ng malaki at mabilis na umunlad. Wala naman akong nakikitang mali o masama doon.

Sa ganang akin at base sa aking mga karanasan sa pagtratrabaho sa ibang mga bansa ay ayaw kong sumunod sa aking mga yapak and aking mga anak. Bakit?

Una sa lahat, ayaw kong malayo sila sa kani-kanilang mga pamilya habang sila ay naghahanap buhay sa labas ng bansa. Hindi madali lumayo sa ating pamilya. Kailangan mo ng tibay ng loob at pananalig sa Diyos upang malagpasan mo ang mga pagsubok habang malayo ka sa iyong pamilya. Maraming mga pamilya ng OFW ang nasira dahil wala ang isa o dalawa sa pundasyon ng tahanan.

Pangalawa, ayaw kong maranasan nila ang hirap at lungkot na pinagdaanan at pinagdadaanan ko habang ako ay malayo sa kanila. Mahirap kasing magkasakit kung ikaw ay mag-isa sa abroad; minsan naman ay hindi maiwasan na makatagpo ka ng mga amo na mababa ang tingin sa ating lahi. Mapipilitan kang kumain ng pagkain na kakaiba sa iyong panlasa. Nariyan din na mabilad ka sa grabeng init o manginig ka sa tindi ng lamig habang ikaw ay nagtratrabaho. Hindi ko pa nababanggit kung gaano kahirap labanan ang "homesickness."

Pangatlo, maikli lamang ang ating buhay sa mundong ito kaya't mas maganda na maging masaya sila kapiling ang kani-kanilang pamilya sa ating bansa. May sasarap pa ba kapag kasama mo ang iyong pamilya sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at iba pang okasyon sa ating bayan? Hindi ba't mahalaga para sa ating mga anak na nandoon tayo sa tabi nila sa bawat importanteng pagkakataon ng kanilang buhay?

Pang-apat, mabubuhay at mabubuhay naman sila kahit hindi sila mag abroad. Marami namang opportunidad para umasenso sa ating bayan dangan nga lamang at wala na akong panahon para hanapin ang mga opportunidad na yaon kaya patuloy akong nagbabanat ng buto sa Gitnang Silangan. Pero sa ating mga anak na nakatapos ng kolehiyo ay malaki ang pagkakataon pa nila upang umangat sa buhay na hindi na kailangan pang mag abroad.

Panglima at pang huli sa lahat, makakasama ko sila hanggang sa huling mga sandali ng aking buhay. Karaniwan ang OFW uuwi na lamang pag wala na ang kanilang mga mahal sa buhay; mag-e-emergency leave kumbaga. Yumao ang aking lolong Intsik at Ilokana kong lola na hindi ko man lang sila nasilayan sa kanilang mga huling sandali. Malapit ako sa kanila dahil sila ang kasa-kasama naming magkakapatid ng nasa abroad ang aking ama noong maliliit pa kami. Hanggang ngayon ay patuloy ko pa rin nararamdaman ang lungkot dahil hindi ko man sila naihatid sa kanilang huling hantungan dahil ako ay nasa Gitnang Silangan. Ngayong araw na ito ay hinatid na rin sa huling hantungan ang isa ko pang lola sa Tarlac. Lubha akong nalulungkot at dinadaan ko na lamang sa trabaho ang lahat pero paguwi ko sa aking kwarto ay muling nagbabalik ang lungkot dahil hindi man lang ulit ako nakasilip sa burol nya.

Kayo ba, hindi ba masakit na isipin na ang inyong pinakamamahal na mga anak ay wala sa inyong tabi habang binibilang na lamang ninyo ang nalalabing panahon sa inyong buhay dahil sila ay nasa malayong bansa at naghahanap buhay?



Alay ko sayo ang post na ito lola Angela (Kilang). Salamat sa magagandang ala-ala nung kami ay mga bata pa.



No comments:

Post a Comment