Pages

Sunday, August 2, 2015

Kabayan, kung balak mong magtrabaho sa Africa dapat handa ka sa Malaria.

Dahil sa gyera sa Yemen, napauwi kaming mga OFW noong buwan ng Marso. Mabuti na lamang at tinawagan ako ng dati kong kumpanya. 

May binigay sa aking kontrata bilang Supervisor sa Chad, Africa. 

First time ko pa lang makakatuntong ng Africa sa buong buhay ko. Nang ako ay makarating sa aming jobsite ay magaan ang aking pakiramdam dahil luntian ang paligid hindi tulad noong ako ay nasa Middle East pa, puro disyerto at buhangin ang aking nakikita. Dito ay mala gubat pa ang paligid buti na lang at wala ng mababangis na hayop.

Bago pa ako makarating dito ay binalaan na ako ng mga dati kong kasama at ng aking bayaw na nagtrabaho naman sa bansang Congo, Africa. Malala daw ang kaso ng Malaria sa Africa. Hindi ko sila masyadong sineryoso kasi ganon din sa atin, Dengue naman ang sikat.

Nagpaturok ako ng bakuna sa Yellow Fever sa Quarantine malapit sa Manila Hotel. Nakakalungkot lang isipin na walang bakuna para sa Malaria kaya ako nagdala ng 2 malaking bote ng OFF lotion para hindi ako dapuan ng lamok. Hindi ko na muna dinala yung kulambo na pinadadala ng misis ko sa akin at bagkus natawa pa ako, sa totoo lang hindi ko ma-imagine na magdadala ako ng kulambo sa aking pag abroad. Minsan ay binubuksan kasi sa airport ang iyong bagahe, pag nagkataon ay baka pagtawanan pa ako sa airport pag nabuklat ang aking bagahe at makitang may kulambo.

27 ng Hulyo ng ako ay dumating sa job site. Napansin ko agad sa loob aking kwarto na may nakakabit nang kulambo sa aking kama at napakalamig. Nasa 21 degC ang setting ng aircon, yun nga lang 24 degC ay nakakumot na ako paano pa ang 21 degC. Naitanong ko tuloy sa aking kasamang Pinoy bakit ganon. Ika nya, para daw hindi pasukin ng lamok ang aming kwarto kaya ganon kalamig ang mga aircon sa kampo. Binilinan din nya ako na gamitin ang kulambo na nakakabit sa aking kama. Bukod pa roon ay pina-alalahanan niya ako na mag spray ng insecticide sa loob ng kwarto sa tuwing ako ay lalabas sa umaga para pumasok sa opisina. At huwag ko rin daw kalimutan magpahid ng OFF lotion sa umaga at hapon; bukod pa sa pagsuot ng mahabang damit at pantalon sa tuwing lalabas ng aming kwarto. Talagang maganda na may kabayan kang daratnan sa iyong job site dahil meron agad aalalay sa iyo.

Nag umpisa na ang tag-ulan dito sa Chad. 

Wala pang isang linggo ng ako ay dumating ay isang Expat dito sa aming job site ang tinamaan ng Malaria. Doon ko napagtanto kung gaano ka seryoso ang problema ng Malaria dito sa Africa.

Dito ko rin nalaman na ang Malaria ay hindi lang nanggagaling sa kagat ng lamok. Nakukuha rin ito sa mga kontaminadong tubig.

Kaya para makaiwas sa Malaria ganito ang aking payo sa mga kababayan kong nagbabalak magtrabaho sa Africa:

                - Magdala ng mahahabang manggas na damit tulad ng Kamiso Chino at pantalon, pyjama o jogging pants.
                -  Magdala at magpahid sa exposed na parte ng katawan ng OFF lotion o mosquito repellant sa umaga at gabi.
                -  Magdala at gumamit ng kulambo. Huwag ka ng mahiya kahit makita pa ito sa airport.
                -  Kung maaari ay palamigin ang kwarto hanggang 20 o 21 degC.
                - Gumamit ng insecticide sa tuwing aalis ng kwarto sa umaga para magtrabaho.
                -  Iwasan uminom ng tubig na hindi siguradong malinis. Hanggat maari ay mineral o bottled water ang inumin.
                - Iwasan kumain ng mga hilaw na prutas o gulay.
                - Umiwas gumamit ng yelo.
                - Ugaliin magpatingin agad sa doctor pag masama ang pakiramdam at bago umuwi o magbakasyon sa Pinas.
                - Iwasan lumabas ng kwarto sa gabi at madaling araw.


Ang aking kulambo


Pag hindi pa namatay sa lamig ang lamok ewan ko lang

Ganito ako manood ng pelikula

Palagi natin iisipin na ang Malaria ay nakamamatay pag hindi nagamot agad. Totoo yon kasi marami ng namatay na Expats dito sa Africa dahil hindi agad nalampatan ng paunang lunas.

Isa pa, sanayan lang yan sa pag gamit ng kulambo. Ngayon ay hindi na ako makatulog ng walang kulambo sa aking kwarto.

Update as of 4th August

Nakarating sa aming kaalaman ngayon na isang crane operator ay namatay sa Morocco. Nagbakasyon siya na meron palang Malaria at ng makarating sya sa kanilang bayan ay saka pa lamang natapos and incubation period ng Malaria kaya sya nilagnat. Akala ng doktor na tumingin sa kanya ay isa lamang itong simpleng kaso ng trangkaso kaya binigyan lamang sya ng gamot para sa lagnat. Lumala ang kanyang Malaria kaya bumigay ang kanyang katawan.

Update as of 6th August

2 araw ko hindi nakasabay kumain yung isa kong tropang pinoy dito sa site. Yun pala nag positive din sya sa Malaria. Magdamag daw syang nilamig at pasumpong sumpong ang lagnat bukod pa sa sakit ng katawan. Mabuti na lamang at naagapan sya. Nakapag patingin agad sya sa aming company doctor kinabukasan. Ngayon ay recovery stage na siya. Tinamaan din ng Malaria ang isa naming pang gabi na (Syrian) operator.

Update as of 3rd of September

Ako ay nakabakasyon ngayon at nakaramdam ako ng panlalamig ngunit wala naman akong lagnat bukod sa kaunting pagkahilo. Sinabayan pa ng pagkasira ng aking tiyan kaya ako ay nag testing agad gamit ang Malaria Testing Kit na pabaon ng aking kumpanya.


Pag 2 o 3 guhit ay positibo sa Malaria.

Mabuti na lang at negatibo ang resulta ng test. Marahil ay nasira lang ang tiyan ko sa kinain kong lugaw sa Mall. Gayunpaman pag sumama ulit ang aking pakiramdam ay kailangan ko ulit mag test dahil minsan inaabot daw g ilang linggo ang "incubation period" ng Malaria sabi ng aming Health & Safety Officer.



No comments:

Post a Comment