Pages

Monday, October 26, 2015

Laglag o Tanim Bala sa NAIA, saan nga ba maaaring manggaling ito?

Aking napanood kagabi sa TV na isa na namang OFW ang nahulihan ng bala sa kanyang hand carry bag. Ang nakapagtataka ay nanggaling na sya sa Laoag Airport na kung saan ay nakalusot sya ng maayos sa baggage screening. Ang OFW na ito ay napagalaman  na maraming taon nang nagtratrabaho sa Hong Kong at nasa NAIA terminal 2 lamang para sa kanyang connecting flight pabalik sa Hong Kong. Alam naman natin kung gaano kahigpit sa Hong Kong International Airport. Meron nga diyan na kumuha lang ng life vest sa eroplano ay nakulong dahil nahuli sya sa baggage screening ilang taon na ang nakakaraan paano pa kung bala ng "carbine" ang dala dala mo. Bukod pa rito ay nakapaskil, sa aking pagkakaalala sa HKIA, na labag sa kanilang batas ang pagdadala ng bala. Ngayon, kung ikaw ay matagal ng nagtratrabaho sa Hong Kong, magdadala ka ba ng bala? Isusugal mo ba ang iyong trabaho?

Kamakailan lamang ay isa ring balikbayan na may edad na babae ang nahulihan ng bala sa kanyang bagahe. Papunta sya sa Amerika. Malaking katanungan sa isang mapanuri kung bakit magdadala ang isang naka-wheel chair na babae ng bala sa Estados Unidos. Siguradong alam niya na mahuhuli sya bago pa man makasakay ng eroplano dahil sa aking pagkakaalam ay meron pang isang x-ray machine ang pagdadaanan ang mga pasahero papuntang Amerika bago makapasok sa boarding area bukod pa sa x-ray machine pagkalagpas ng immigration. Isa pa rito, dahil sa higpit ng seguridad sa mga paliparan sa Amerika ay siguradong mahaharang rin sya pag dating niya sa kanyang patutunguhan. Isusugal mo ba ang iyong "Green Card" para lang sa isang bala?

Naaalaala ko rin na meron ding isang foreigner na nahulihan ng bala mahigit isang buwan na ang nakakaraan. Kagagaling lamang nya sa Amerika at anak sya ng isang misyonerong Amerikano. Nakalusot sila sa paliparan ng Estados Unidos at nahuli siya habang patungo sila sa Palawan. Isusugal mo ba ang misyon ng iyong ama para lamang sa isang bala?

Sa aking panananaw at sapantaha, lahat ng 3 kaso sa taas ay hindi kapanipaniwala na lahat sila ay magdadala ng bala sa pag byahe nila. Parang hindi pangkaraniwan ang kaso nilang tatlo. Kung baga ay hindi sila nababagay sa mga "profile" na magdadala ng bala. Kahit hindi ko sila personal na kakilala ay wala sa kanilang personalidad na magdala ng bala sa paliparan.

Ngayon ang tanong, saan maaaring manggaling ang mga balang nakuha sa kanilang mga bagahe?

Ano ba ang meron bago pumasok sa "baggage/x-ray and metal detector area?" Sa aking obserbasyon sa tuwing ako ay papasok sa x-ray at metal detector area ay may mga porters na nagkalat sa labas. Minsan meron mismo doon sa pasukan ng x-ray area. Hindi ninyo ba napapansin yun? Madalas ay wala pero minsan ay meron umaalalay doon para sa mga malalaking bagahe at may trolley. Sa dalas ng aking pag byahe ay napapansin ko ito. Sila yung mga nag-aayos ng mga bagahe bago ito pumasok sa x-ray machine. Wala rin CCTV sa lugar na ito kung inyong mapapansin.

Ngayon, bakit walang OFW na pinoy na nahuhulihan ng bala? Karaniwan kasi ay tuso na ang mga pinoy na OFW, tulad ko, ayaw naming pumasok sa screening area hanggat hindi nakakapasok ang aming mga bagahe sa mismong x-ray machine at bukod pa roon ay kuripot kami kaya hindi kami nagpapatulong sa mga porter natin sa pag lagay ng aming mga bagahe sa x-ray machine para makaiwas sa ano mang uri ng gastusin o "tip." Isa pa, alam natin na puedeng umalma agad ang mga pinoy na OFW kapag alam nilang nilalamangan sila ng kapwa nila pinoy.

Bakit yung mga grupo na umaalis ay walang nahuhulihan ng bala? Kasi pag marami kayo ay marami ring mata na nakabantay sa inyong mga bagahe. Mahihirapang makaporma yung mga taga laglag ng bala.

Ngayon ano ang "common denominator" sa 3 nahulihan ng bala? Maaaring silang tatlo ay naging mapagtiwala sa mga porter na umaalalay hindi ba? Yung naka-wheel chair na balikbayan sino ba nag sabi na puedeng ayusin sa 500 piso ang kaso nya? Diba yung porter? Nakasama ba sa imbistigasyon yung porter? Hindi puede na wala siyang nalalaman kasi paano nya nasabi na puede palang ayusin ang mga ganitong kaso sa halaga ng 500 piso? Isa pa, dahil Naka wheel chair siya, sino naglagay ng bagahe nya sa x-ray machine? Pareho tayo ng hula.

Sa ating kapwa OFW na pabalik sa Hong Kong na nakitaan ng bala sa hand carry bag niya, anung pagkakataon nawalay sa kanyang katawan ang kanyang hand carry bag? Hindi ba noong inilagay niya yun sa conveyor ng x-ray machine?

Kapag ako ay nasa paliparan sa ibang bansa, tulad ng Dubai, Hong Kong at Singapore, madalas ay may porter na nag ayos sa x-ray area at aking pinagkakatiwala ang aking mga bagahe sa kanila dahil iyon ang patakaran nila. Ngayon kung may porter o security staff na kumuha ng bagahe ng Amerikanong nahulihan ng bala kamakailan lamang, sa palagay nyo hindi nya ibibigay ang kanyang bagahe?

Paano kung kusang hinihinto o pinababalik balik ng bag screener ang takbo ng x-ray machine conveyor? Di ba nagtatambakan ang ating mga bagahe papasok sa x-ray machine? Napipilitan tayong pumasok sa metal detector dahil pinamamadali o tinatawag tayo para sa inspection habang may nag - a ayos na porter o security staff nila sa mga bagahe, tama ba ako?

Wala akong tinutukoy sa aking post na ito pero sa aking pag - aanalisa ay ito lamang ang maaaring panggalingan ng mga balang nahuhuli sa bagahe. Bakit hindi naibabalita na kasama sa imbistigasyon ang mga porter? Dahil ba sila ay porter lamang abswelto na sila sa modus na ito? Samantalang sila ang direktang humahawak sa ating mga bagahe. Batid ko na maraming nagtratrabaho ng marangal sa hanay nila pero hanggat hindi naaayos ang problema sa laglag o tanim bala sa ating mga paliparan ay patuloy na maaapektuhan ang kanilang kabuhayan. Hindi nila masisisi ang mga pasahero kung tuluyan ng mawalan ng tiwala sa lahat ng mg kawani ng ating mga paliparan.

Para maiwasan ang mga ganitong uri ng kaso, ito ang aking mungkahi sa pamunuan ng NAIA.

1. Maglagay ng malaking karatula, sa lengguwahe na English at Filipino, sa labas na nagsasaad na bawal magdala ng bala sa bagahe at nakasaad din na makukulong sila pag nahulihan sila na may dala na ano mang uri ng bala.

2. Dapat ay walang mga bulsa at maikli ang manggas ng mga uniforms ng mga baggage screeners/inspectors at porters.

3.  Mag lagay rin ng CCTV sa may entrada ng mga x-ray machine areas. Sa lahat na pinapakitang CCTV footage sa TV ay walang kuha sa entrada ng mga x-ray machines di ba? Siguradong alam ito ng mga myembro ng laglag bala.

4. Dapat isama sa imbistigasyon ang porter na umalalay sa pasaherong nahulihan ng bala kung meron man. Kung magkaroon man ng suspension habang iniimbistigahan ang kaso dapat kasama rin ang porter sa masuspindi. Sa pamamagitan nito ay maaari nating matukoy kung may sabwatan bang nagaganap o wala.

5. Magkaroon ng "Standard Operating Procedure" kapag magbubukas ng bagahe. Halimbawa kapag bubuksan ang bagahe ng sino mang pasahero dapat ay sa harap nya ito gagawin at ipakikita muna ng bag inspector ang kaniyang mga palad upang makita ng pasahero na wala syang hawak na ibang bagay. Kung hindi ito susundin ay hindi maaaring tanggapin bilang katibayan ang ano man na makikitang maliit na bagay na maaaring itago sa palad.

6. At ang pinakahuli at epektibong paraaan para mahinto na ang raket na ito ay dapat kumpiskahin na lamang ang mga balang mahuhuli sa mga pasahero, wala ng multa o kaso at nakapaskil ito para sa kaalaman ng lahat. Gayon pa man dapat din silang bigyan ng babala na sa susunod na mahulihan sila ng bala ay makakasuhan na sila. Sigurado ako na tapos na ang maliligayang araw ng mga myembro ng laglag-bala kapag ito ay ipinatupad.

Para sa mga pasahero, lalo na't mga OFW, na gagamit ng ating mga paliparan ay na rito ang aking mga suhestiyon:

1. Siguraduhin na may padlock lahat ng bagahe kasama na ang mga side pockets ng inyong maleta. Sa aking pagkakaalala ay sa side pocket ng bagahe ng Amerikano nakita ang mga bala. Dapat din nakatali o gapos and mga kandado sa hawakan ng maleta upang hindi ito gumalaw. Maaari kasing buksan ang zipper ng inyong maleta sa pamamagitan ng ballpen at pagkatapos buksan ay puede ulit itong isara pag nagagalaw ang kandado. Ganito ko palagi isinasara ang aking mga bagahe.

2. Huwag ipagkatiwala ang inyong mga bagahe lalo na mga hand carry bag sa kahit kaninong tao sa paliparan lalo na sa mga porters o umaalalay sa may x-ray machine. Kung hindi maiwasan ay huwag ninyong iwalay sa inyong mga paningin ang inyong mga bagahe. Pero ang inyong hand carry na karaniwan ay maliit lamang ay hanggat maaari kayo ang maglagay sa conveyor ng x-ray machine.

3. Huwag pumasok sa metal detector area hanggat hindi pa pumapasok sa x-ray machine ang inyong mga bagahe. Maging alerto kayo pag may porter sa lugar na yaon at pahinto hinto o pabalik balik ang conveyor ng x-ray machine at minamadali kayong pumasok sa metal detector ng security staff. Hindi po bawal na hintayin na pumasok ang inyong bagahe sa x-ray machine bago kayo pumasok sa metal detector. Ginagawa ko ito sa Dubai, Doha, Hong Kong, Addis Ababa, Kuala Lumpur at iba pang paliparan sa iba - ibang bansa. Wala akong na - encounter na problema.

4. Kung sakaling may nakita ang bag screener ay dapat sa harapan ninyo bubuksan ang inyong bagahe. Nangyari na rin sa akin ito ng minsang malimutan ko ang maliit na gunting sa aking hand carry bag. Ganon pa man, kung bala ang kanilang nakita ay sasabihin agad nila yun bago pa buksan ang inyong bagahe kung paanong sinabi nila sa akin na may gunting ako sa loob ng aking bag. Lagi natin tatandaan na tayo ay nasa ating bayan kaya huwag tayong matakot mag demand na ilahad muna ng bag screener ang kanilang mga palad bago nila buksan ang ating mga bagahe. Huwag tayong matakot ipaglaban ang ating karapatan.

5. Maging alerto kapag may lalapit, kakausap, manggigitgit  o babangga sa inyo habang kayo ay papasok sa paliparan o kahit nasa loob na ng paliparan. Minsan kahit nakapila ka na sa airline counters ay hindi maiwasan na may makikiraan na may trolley o mababangga ka ng mga taga ayos ng pila. Basta't naramdaman ninyo na may dumikit sa inyo ay tignan ninyo agad ang inyong bag at baka nalaglagan na ng bala. Walang mawawala kung pagiisipan ninyo na may masamang intensyon ang sino mang lalapit sa inyo. Mabuti na ang nag - iingat kay sa nagsisisi.

Tungkol sa plastic wrapping machine ng bagahe, karaniwan nakikita ang mga makinang ito sa loob ng ating mga paliparan kaya huwag umasa sa ganitong pamamaraan dahil dadaan muna kayo sa x-ray machine bago kayo makapasok sa loob at dito palang ay nagkakalaglagan na ng bala. Hindi rin puede na i-plastic wrap ang hand carry bag natin. Pero kung malalagyan ninyo ng plastic wrap o packaging tape ang inyong bagahe sa bahay pa lang ay mas maige yun. Puede din gamitin ang clear garbage bag.

Hindi biro ang hirap na pinagdadaanan ng isang OFW bago pa man sya makaalis ng ating bayan kaya parang gumuguho ang kanilang mga mundo kapag hindi sila natutuloy sa kanilang pag alis. Paano pa kaya kung sila ay makakasuhan pa kapag may nakitang bala sa kanilang bagahe? Bukod pa rito nararapat lamang na linisin ng pamunuan ng NAIA ang kanilang hanay upang hindi naman nakakahiya sa mga taga ibang bansa na bumibisita sa ating bayan. Alam naman nating lahat na naglipana ang mga mandurugas diyan sa NAIA. Bobo lang ang magsasabi na walang nangyayaring kalokohan diyan. Sa Internet pa lamang ay nagkalat na ang mga naging biktima ng mga modus sa loob at labas ng ating mga paliparan.

Siyanga pala, malapit na ang pasko. Mag iingat tayo sa ating mga paliparan mga kabayan. Huwag nating hayaang masayang ang ating mga pinagpaguran.

See: Daily Inquirer - NAIA syndicate confirmed

6 comments:

  1. Pwede na po bang i-plastic wrap ang luggage before going to NAIA?

    ReplyDelete
  2. Puede naman. Pero minsan sa hand carry nila nilalagay yung bala.

    ReplyDelete
  3. Sir hindu ko lan magets, bakit ba nila ginagawa yung laglag bala na yan? Kumikita ba sila jan? Hindi ko magets.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Halimbawa pa alis ka, may nakitang bala sa bagahe mo at sinabi na iyo na hindi ka na makakaalis at dadalhin ka nila sa presinto at kakasuhan. Pero kung aayusin mo o magbabayad ka sa kanila ay papayagan ka nila umalis. Ikaw? Magbabayad ka na lang ba para makaalis o magpapakulong ka at magbayad ng piyansa. Karaniwan ang isang OFW o turista magbibigay na lang ng pera para makaalis lang di ba?

      Delete
  4. Pwede po ba akong mag abroad kung may bala sa katawan ko?

    ReplyDelete
  5. sana matigil na yang laglag bala nakakahiya at perwisyo para ayaw ko na tuloy umuwi ng pilipinas

    ReplyDelete