Pages

Saturday, April 23, 2016

Bakit si Duterte - sa pananaw ng isang OFW

Mulat sapul ay ginagawa ng gatasan ng ating gobyerno ang mga katulad kong OFW. Nariyan ang sapilitang pagbabayad ng Pag-ibig, Philhealth, OEC, OWWA membership, Terminal Fee at kung ano-ano pa. Kaya madalas hindi pa nakakaalis ang isang OFW ay lubog na siya sa utang.

Pag - uwi naman ay nariyan manakawan o mawala ang bagahe mo o makikilan ka ng mga taga custom. Paglabas mo naman ng airport may mga mapagsamantalang taxi drivers, airport security o staff at kung ano-ano pang raket sa loob at labas ng ating mga paliparan.

Kung ikaw naman ay pa-alis ng bansa, nariyan na laglagan ka ng bala sa iyong bag, i-offload ka ng immigration officer dahil sa iba't-ibang kadahilanan. Minsan dahil sa mukha kang walang pera ay ayaw kang paniwalaan na isang turista. Pag minalas malas ka ay nariyan kumpiskahin din ang iyung toothpaste, shampoo at pang-ahit dahil bawal daw sa eroplano.

Ilang OFW ba ang nabalita na napipilitan magpagamit sa mga opisyales ng ating embahada para lamang makatanggap ng libreng plane tickets pauwi? Kapit sa patalim ika nga. Minsan ay ang mga taga embahada pa ang manggigipit sa mga kaawa-awang OFW na nangangailangan ng kanilang tulong. Ang ilan sa kanila ay saksakan pa ng yabang kung tratuhin ang ating mga kawawang kababayan.

Ilang kababayan din natin ang napabayaan sa bilangguan sa ibang bansa dahil wala raw pondo pambayad sa abogado. Saan na kaya napupunta yung binabayad nating membership fee sa owwa? Sa OEC? Pero may pondo para ipautang sa ibang European countries through IMF. Wow! Ang yabang naman natin.

Hanggang ngayon ay hindi na mabilang ang mga kaso at sitwasyon na ang nahihirapan at naaapektuhan sa bandang huli ay ang mga pobreng OFW.

Ngayon, masisisi mo ba sila kung karamihan sa kanila ay si Duterte ang pipiliin?

Kulang na lang sabihin nila na sukang-suka na sila sa trato sa kanila ng gobyerno at sa talamak na korapsyon at kriminalidad sa ating bayan. Idagdag pa dyan ang traffic sa EDSA at sira - sirang MRT.

Sa aming lugar, maraming istambay lalo na sa gabi. Inuman at kantahan hanggang dis-oras ng gabi. Ang mga anak ko ilang beses ng na holdup sa kanilang pag uwi sa gabi, minsan sa AUV at minsan naman ay habang naglalakad papasok sa eskwelahan. Ilang beses na rin may nagtangkang pumasok sa aming bahay. Ilan sa mga kapit-bahay ko ay nanakawan na sa gabi at pinasok naman yung bahay ng iba sa tanghali habang wala sila. Naglipana na rin ang mga adik sa maraming lugar dito sa ating bayan. Ultimo sa loob ng ating pambansang bilangguan sa Muntilupa ay naglipana ang mga droga.

Aanhin ng mga OFW ang mga numero o statistika kung hindi naman magiging ligtas ang kanilang pamilya habang sila ay nagtratrabaho sa ibang bayan? Karamihan sa mga OFW ay wala ng pakialam sa mga numerong ipinagyayabang ng gobyerno dahil alam nila na wala na silang pag-asa pang makapagtrabaho sa Pinas dahil sa mapanupil na batas ng contractualization at diskriminasyon sa edad. Isa pa, karamihan sa mga OFW ay naging successful dahil sa kanilang sariling pagsisikap at hindi dahil sa tulong ng gobyerno. Obvious din na sa panahon ngayon ay higit na yumayaman ang mga mayayaman at ang mahihirap naman ay meron pantawid pamilya program pero ano ang inilaan ng gobyerno para sa OFW? Nakawan sa custom? Raket sa mga paliparan? Pagbukas ng balikbayan box? Pag bayad ng terminal fee? Pahirap sa pagkuha ng OEC? Delay sa passport renewal?

Nagkaroon na tayo ng matalinong presidente na naging diktador. Pinalitan siya ng isang ordinaryong may bahay. Pagkatapos niya ay isang dating heneral naman ang naupo sa Malacanang. Nagkaroon din tayo ng presidenteng artista, isang guro at ngayon ay isang Haciendero. Lahat sila ay pawang mayayaman at elitista hindi ba? Ano na ang sitwasyon nating mga OFW sa ngayon? Naging maayos ba ang trato sa atin? Bakit kailangan pa kumuha ng OEC kung may work visa ka na? Hindi na ba tayo na-o-offload? Ganon pa rin ang tax exemption natin sa Balikbayan box di ba? Hindi ba dati ay iniipon pa ang mga OFW sa ating airport, iba ang pila natin dati, para tayong mga kriminal na sinasala at inihiwalay sa pila ng immigration? Ngayon pila naman sa refund ng terminal fee. Wala pa ring maayos na hanapbuhay dito sa Pinas.

Ano kaya at maglagay tayo sa Malacanang ng isang presidente na hindi namumuhay sa karangyaan. Sabi nga ay mula sa masang Pilipino. Isang presidente na kinatatakutan ng mga kriminal, adik at nangungurakot? Isang presidente na subok na nating mabilis umaksyon kahit walang media coverage? Isang presidente na alam ang tunay na pakiramdam ng isang ordinaryong pinoy at handang magmalasakit? Isang presidente na handang mapunta sa impyerno upang ang kanyang pinagsisilbihan ay mamuhay sa paraiso?

Kapag ba butangero at bastos ay hindi na puedeng maging magaling na presidente? Hindi bat malapit sa simbahan ang dating diktador? Hindi bat madasalin ang ilang nakaraang presidente? Bakit yung mga nakaraang presidente bastos ba? Butangero ba? Hindi naman di ba? Pero ano na ang sitwasyon nating mga OFW? May nagbago ba? Kung meron man ay hindi maramdaman. Basta ang pakiramdam ko sa tuwing nasa airport ako, pabakasyon man o paalis, ay kailangan kong mag-ingat. Basta ang alam ko ang mga anak ko pag umuuwi ng gabi ay delikado ang sitwasyon nila. Basta ang alam ko kailangan bukas mga ilaw sa labas ng bahay ko sa gabi para hindi magtangkang pumasok ang magnanakaw. Basta ang alam ko nagkalat na ang mga adik sa amin.

Sa ngayon, si Duterte ang nakikita ng maraming OFW na magbabago sa ating bayan na lugmok sa kurakot at krimen. Handa silang isugal ang kanilang kinabukasan para sa nakikita nilang pagbabago. Ito ang ugali ng mga OFW, malakas ang loob para makamit ang pagbabago sa kanilang buhay. Kaya kung paanong pikit matang sumuong ang milyon milyong OFW para maghanap buhay sa ibang bansa ay ganon din ang kanilang gagawin sa pagsuporta kay Duterte.

Pag nanalo si Duterte, bilang isang OFW ay ito ang aking mga hiling:

Screen grab from Inquirer
Sana mawala na ang laglag bala sa lahat ng ating paliparan, sana mahinto na ang mga mapagsamantalang airport taxi drivers, sana mawala na ang nakawan sa custom at airports natin, sana alisin na ang OEC sa mga may work visa, sana hindi na mag offload ang immigration kahit nakatsinelas lang ang aalis, sana lahat ng nakakulong na OFW ay bigyan ng suporta o ayuda, sana magkaroon ng pondo para sa mga nasa OFW na nasa kalinga ng ating mga embahada, kung naipagbawal ang paputok sana bawal na rin ang mga istambay sa kalye pag gabi, sana pag umuwing bangkay ang isang OFW ay sagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin hanggang sa tahanan ng yumaong OFW, sana mabigyan ng plane tickets ang mga kababayan nating hindi makauwi dahil walang pambili ng tiket, sana ibalik ang bitay sa mga karumal dumal na krimen at plunder, sana alisin na ang nakakasukang pork barrel ng kongreso, sana wala ng contractualization, sana huwag naman ipagbawal ang alak (yosi na lang), sana magkaroon na ng plaka ang aking bagong sasakyan at sana lumabas na rin ang aking driver's license na nirenew ko pa ng isang taon.

Sana hindi na maging sana.


1 comment:

  1. Lahat ng iyong hinaing ay ramdam ng bawat OFW. Tayong mga OFW un tunay na bumabalikat sa ating bansa sa bilyong bilyong remittance na padala sa ating mga mahal sa buhay. Subalit ang ating mga opisyal ng pamahalaan ang syang ugat ng ating paghihirap. Hindi ko sinisisi un ating Pangulo,mga senador,mga congresista,mga taong nagpapatakbo ng ating gobyerno dahil TAYO UN May SALA. BINAGBIBILI natin ang ating mga BOTO sa halagang 500.1000, libreng tanghalian sa tuwing may halalan.
    Sa kadahilanan walang mapakain sa ating mga anak, sge BENTA UN BOTO, subalit hindi nating iniisip na un 500,1000 pinamumudmod tuwing halalan ay pagdurusahan natin ito susunod na 6 na taon sa uupong bwayang nahalal na opisyal ng congreso. Kapag humingi ka ng ayuda sa opisina ng mga yang un tanong nila "sino ba kayo?". Hindi ka na kilala pagtapos ng eleskyon.

    Wala akong kinakampanyang kandidato, mapa si BINAY, ROXAS, POE, DUTERTE O si DEFENSOR. Lahat sila ay nanungkulan sa gobyerno. LAHAT sila ay may naging pagkukulang sa taong bayan. Walang nanungkulan sa gobyerno ang hindi NAGSINUNGALING. Lahat sila ay "guilty once" or even several times.
    Tayong mga taong bayan ang may kapangyarihan kung sino ang ating pipiliin mamumuno sa susunod na 6 NA TAON.....
    Walang SANTO sa mga kandidatong para maging presidente, subalit may isang tao na ang kakulangan sa principio, pagmamahal sa taong bayan, hindi corrupt, arogante, mapagsamantala, dilang ahas ay may KALAMANGAN sa 4 na kandidato.

    Sa aking pananaw, iboto un kandidatong "WITH LESS EVIL, LESS SHORTCOMNGS, FROM THE REST OF THE OTHER CANDIDATES".

    Mga kababayang OFW, gamitin natin un ating karapatan at tamang pag iisip upang ang sususnod na mamamahalA ng ating bansa ay may malasakit sa PILIPINONG KATULAD KO.

    ReplyDelete