Friday, May 22, 2015

Kabayan nakapag-avail ka na ba ng financial assistance from OWWA?

Nagbakasyon ako noong ika-18 ng Marso. Pagkatapos ng halos isang linggo ay nagsimula na ang bombahan sa Yemen.

Araw-araw ang ginawang pambobomba ng Saudi sa Yemen kaya nag desisyon ang aming kumpanya na pauwiin na lahat ng "expats" sa aming planta para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sa madaling salita ay nakauwi rin ang mga naiwan kong mga kasamang pinoy pagkatapos ng 36 na oras na byahe mula sa Sana'a City, Yemen hanggang sa Jizan, Saudi Arabia. Ang evacuation ay inayos ng mga opisyales ng ating embahada sa Riyadh.

Ngayong nasa pinas na lahat kami ay aming nabalitaan na nagbibigay ang OWWA ng sampung libong piso na "financial assistance" para sa lahat ng pinoy workers na napauwi mula sa Yemen at Libya.

Tatlo kaming magkakasama na taga San Mateo, Rizal at kami ay inabisuhan na ayusin ang "financial assistance" namin sa opisina ng OWWA Region 4-A sa Calamba, Laguna. Napakalayo ng lugar na ito mula San Mateo pero doon lamang daw kami puede pumunta sabi ng na kausap kong opisyales ng OWWA sa Maynila dahil parte daw kami ng Calabarzon.

Nakarating din kami roon sa OWWA Calamba matapos ang mahabang byahe sa SLEX. Inabot lamang ng halos isang oras ang proseso bago namin nakuha ang sampung libong piso.

Sa tinagal tagal naming pagiging myembro ng OWWA ay ngayon lang kami nakakuha ng benepisyo. Maliit man ang halaga ay makakatulong din ang perang ito sa aming pamilya lalo na at wala na kaming sahod mula sa aming kumpanya habang hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Yemen. 

Simple lang ang proseso sa pag-avail ng "financial assistance for repatriated workers." Dapat ay may katibayan ka na umuwi ka habang may mandatory evacuation ang DFA. Makikita ito sa "arrival stamp" sa inyong pasaporte. Isa pa, dapat ay may ebidensya rin na ikaw ay nagtratrabaho sa Yemen sa pamamagitan ng kopya ng "work o residence visa." Pero kung may rekord ka na sa POEA o OWWA ay mas madali na ang proseso. Magbigay ka na lamang ng litrato o ID picture at katibayan ng iyong tirahan tulad ng driver's license o barangay certificate. Mabuti na lamang at mababait at magagalang ang mga taga OWWA sa Calamba mula sa gwardiya, information desk at lalo na kay Ken na syang nag ayos ng aming mga dokumento.

Noon, hindi namin pansin ang ganitong benepisyo mula sa OWWA pero ngayon ay nagpapasalamat kami sa munting halaga na aming natanggap. Bukod pa rito sa libreng pagpapauwi, kasama na gastos sa byahe at pa-hotel, sa aking mga kasamahan ng sila ay abutan ng gulo sa Yemen.

Kaya kabayan, kung ikaw ay isa sa mga napilitang lumikas dahil sa gulo sa Yemen o Libya, eto na ang pagkakataon mo na maka-avail ng sampung libong piso na tulong pinansyal mula sa OWWA. Makipagugnayan ka lamang sa nakakasakop sa inyo na regional office ng OWWA.



No comments:

Post a Comment