Pages

Saturday, June 14, 2014

Ang kahon ng OFW

Dahil Father's Day ngayon, ang kwentong ito ay alay ko sa mga kapwa ko tatay na, OFW pa.


Madalas na biruan sa mga inuman ang paguwi ng nakakahon ng isang OFW. Aalis daw na may bitbit na kahon at uuwi na naka-kahon.

Bago ako maging isang OFW ay hindi ko masakyan ang ganitong uri ng biro. Pero ng mamatay ang aking tiyuhin o asawa ng aking tiyahin ay dun ko napagtanto kung anu ang ibig sabihin ng birong yaon. Naalala ko pa na nabanggit ng papa ko na nasa loob ng kahoy na kahon ang aking tiyuhin ng dumating sa airport. Diabetic kasi sya at regular na syang umiinom ng gamot araw-araw. Isa syang beteranong seaman at balak niya ng mag retiro pero ng alukin sya ng malaking sahod nasabi nya na yun na raw ang huling sakay nya ng barko. Nagkatotoo ang sinabi nya. Inatake sya habang nasa barko at inilagay muna sa freezer ang kanyang labi hanggang sa dumaong ang barko nila sa pantalan.

Sa Saudi Arabia ako unang nagtrabaho bilang isang OFW; dalawang taon ang kontrata ko. Straight yun o walang bakasyon kaya marami akong naging kaibigan dun na kapwa pinoy sa loob ng 2 taon. Isa na rito si Mang "R." Tawagin natin syang Mang "R" kasi nagsisimula ang kanyang pangalan nya sa "R" at isa syang electrical technician. Masalimuot ang personal na buhay nya kaya kailangan nyang kumayod sa Saudi kahit may nararamdaman na sya. Diebetic din sya tulad ng tyuhin ko at regular na rin syang umiinom ng gamot. Babalikan natin sya mamaya.

Nang matapos ang 2 taon kong kontrata sa Saudi ay nagtrabaho muna ako ng 3 taon sa Pinas. Pero dahil sa lumalaki na ang mga anak ko at nadagdagan pa sila ng isa kaya nagdesisyon ako na mag trabaho ulit sa Middle-East. Sa Abu Dhabi, UAE naman ako napadpad. Sa loob ng pitong taon na pagtratrabaho sa Abu Dhabi ay ilang kahon na rin ang nabitbit ko pagbalik sa aking trabaho. Kung mapapansin mo, madalas kang makakakita ng mga paalis na OFW sa NAIA na may mga bitbit na kahon. Ang iba ay may balot pa ng packing tape para maging waterproof. Convenient kasi na lagyan ng mga pagkaing pinoy ang kahon dahil pagkatapos ay puede mo na syang itapon.

Unang assignment ko sa Abu Dhabi ay sa offshore. Anim na buwan akong nagpabalik balik sa offshore. Dito ko naman nakilala si Sir "F." Pinoy na supervisor namin sa Instrumentation. Bata pa sya at matalino palibhasa iskolar sya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isa syang electrical engineer. Mahilig sya sa tennis at magehersisyo; may lahi daw kasi silang high blood kwento nya sa amin. Pagkatapos ng anim na buwan ay nagpalipat naman ako sa onshore pero sa gitna naman ng disyerto; mahirap kasi ang buhay at trabaho sa offshore. Nakaka-isang taon pa lang halos ako sa gitna ng disyerto ng mabalitaan ko na na-stroke si Sir "F." Bumagsak na lang sya bigla habang naglalakad sya pauwi sa kwarto nya pagkatapos maglaro ng tennis kasama ang ibang mga pinoy; kagagaling lang nya sa bakasyon. Itinakbo sya sa safety station pero hindi na sya na-revive. Since gabi nangyari yun ay walang chopper na puedeng lumipad papunta sa offshore kaya tinabunan muna ng yelo ang kanyang mga labi hanggang sa dumating ang chopper kinabukasan. Sya ang una kong nakasama sa trabaho na umuwi ng naka-kahon.

Nang nakakalimang taon na ako sa gitna ng disyerto ng Abu Dhabi ay nakatanggap ako ng masamang balita habang ako ay nakabakasyon sa Pinas. Inatake ang kasama ko sa trabaho at kaibigan na si Pareng "N" habang natutulog. Puno raw ng dugo ang kanyang kama sabi ng supervisor naming pinoy. Isa syang fire & gas technician at napakagaling nya sa computer. Bukod sa hindi kami nagkakalayo ng edad ay marami rin akong natutunan sa kanya sa computer at sa aming trabaho sa planta. Sya ang pinakamasayahing pinoy sa aming work site; palabiro at palaging nakatawa. Yun nga lang, pagkatapos ng aming duty ay upo na agad sya sa harap ng computer hanggang kinagabihan habang kami naman ay naglalaro ng basketball o nagjo-jogging. Bukod sa paninigarilyo ay madalas din syang uminom ng alak pag bumababa kami sa Abu Dhabi city. Nang matapos ang aking bakasyon at makabalik na ako sa trabaho ay nagparamdam sya sa akin. Noon kasing nabubuhay pa siya ay madalas syang tumambay sa kwarto ko pag bukas ang pintuan at nakikipagbiruan; palibhasa halos magkatapat lang kasi ang kwarto namin. Nung unang gabi ko pagkagaling sa bakasyon ay naamoy ko ang pabango nya habang bukas ang pintuan ng aking kwarto. Akin na lamang syang ipinagdasal. Sya ang pangalawang kasama ko sa trabaho na umuwi ng naka-kahon.

Inabot din ako ng 7 taon sa gitna ng disyerto ng Abu Dhabi ng nagdesisyon ako na lumipat ng trabaho sa Yemen. Nung ako ay nakakadalawang taon na sa Yemen ay yung isa kong kasamahan ulit sa trabaho sa Abu Dhabi ang inatake rin habang natutulog; kasama rin namin sya ni Pareng "N" sa trabaho. Tawagin natin syang Pareng "R." Isa syang mechanical technician at madalas kong makalaro ng basketball; hindi na sya nagising mula sa kanyang pagkakatulog. Medyo payat naman sya at batak rin sa trabaho yun nga lang malakas naman manigarilyo. Sya ang pangatlo kong kasama sa trabaho na umuwi ng naka-kahon.

Makalipas ang isang taon, ako ay nag open ng Facebook account. Nagkaroon ako ng komunikasyon sa mga dati kong kasama sa Saudi Arabia. Ibinalita nila na si Mang "R" ay pumanaw na rin. Bale nagtagal muna sya sa hospital sa Saudi at sumailalim sa dialysis bago bumigay ang kanyang katawan. Sya ang pang-apat na kasama ko sa trabaho na umuwi ng naka-kahon.

Nung nandun pa ako sa dati kong kumpanya sa Yemen ay namatay din ang isa naming kasamahan na HVAC technician. Ang pagkakaiba nga lang ay sa Pinas sya namatay habang nagbabakasyon. Nalunod sya sa beach ng tangkain niyang sagipin ang kanyang nalulunod na apo.

Meron din akong mga kasamang Indiano sa Abu Dhabi na umuwi ng naka-kahon. Tatlo silang namatay ng makalanghap ng H2S gas habang nagpapalit ng Molesieve filters. Nag breaktime lang kami at ng bumalik kami sa work area ay wala na silang mga buhay. Umuwi sila sa bansa nila na nasa loob din ng kahon.

Ilan pa kayang mga kasama o dati kong kasama sa trabaho ang uuwi ng naka-kahon? Ganon din kaya ang maging kapalaran ko? Sa ngayon ay nagsisimula na ring tumaas ang aking blood pressure. Meron na ring na-detect na bato sa aking apdo pero hindi naman daw kritikal sabi ng doktor. Madalas na rin sumakit ang aking likod siguro dahil na rin sa edad. Kamakailan lang ay ilang kapwa ko OFW ang namatay sa Sana'a city, Yemen dahil sa terrorist attack sa ospital na kanilang pinapasukan.

Ganon pa man, tulad ng milyon milyong OFW, tuloy lang ang trabaho hanggat kaya pa. Sabi nga di bale ng mamatay sa trabaho sa abroad dahil malaki naman ang maiiwan sa pamilya pag nagkataon. Minsan ay nagiisip rin ako kung tama ba ang katwiran na yun. Tama ba na uuwi ako kung kailan ako ay mahina na o pag minalas malas ay naka-kahon na rin.

Isa sa mga nakakalungkot na pangyayari sa buhay ng isang OFW ay makita nya ang kasama nya sa trabaho na uuwing naka-kahon at hindi man lang nalasap ang kanyang pinaghirapan at naipundar sa Pinas. Bilang isang ama at isang OFW ay palagi nating iniisip ang sitwasyon ng ating mga mahal sa buhay sa Pinas kaya kahit alam natin na may nararamdaman na tayo o mapanganib na sa lugar na ating pinapasukan tulad sa Syria, Libya at Iraq ay sige pa rin tayo sa pagtratrabaho at nagtitiis na malayo sa ating mga mahal sa buhay.

happy father's day papa
Sa aking pananaw, maituturing na masuwerte ang mga OFW na bumitaw sa trabaho nila sa abroad at na-enjoy ang kanilang pagreretiro. Isa na rito ang aking ama. Isa syang marine engineer at maituturing na isa ring beteranong mandaragat dahil mula pa ng binata sya hanggang sa magretiro ay ito lamang ang kanyang naging trabaho. binuhay nya kaming 9 na magkakapatid sa pagiging isang seaman.

Naaalala ko pa nung nasa college ako, minsan ay bigla syang umuwi makaraan lamang ang ilang buwan. Meron syang malalim sugat sa kanyang tagiliran at ito ay naka benda pa. Naaksidente sya sa barko at swerte na hindi sya napuruhan dahil pag nagkataon ay uuwi syang nasa loob din ng kahon.

Ngayon ay masaya sya sa kanyang simpleng buhay kasama ang aking butihing ina. Meron silang maliit na tindahan at paupahang bahay bukod pa sa pension mula sa SSS at allowance mula sa aming mga anak nila. Masaya sila sa pagaalaga nila sa kanilang mga apo, manok, aso at itik.

Sana maging happy ending din ang aking pagreretiro bilang isang OFW at ang kahon na iuuwi ko sa aming bahay ay puno ng pasalubong at hindi ng aking katawan.



3 comments:

  1. I can relate to your post because my father was an ex-OFW in Saudi. Yun naman lagi ang takot ng lahat ng OFW at ng pamilya nya. Nagretire na sya from work ng year 2014 at the age of 66. As we have experienced, prayers is the the best weapon you can arm yourself. Yes, death is inevitable but you can always petition our Lord to keep you safe always and extend your life to be able to enjoy time with your family when you retire. I will help you pray. God bless you, welscua!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you for your prayer. The timing is perfect since I undergo a thyroid surgery a few days back and fortunately, the operation was successful and I am now in recovery period.

      Delete
  2. I'm sorry to hear about your operation but I'm happy that the surgery went well. As always, God is good and he loves you. Just leave all the pain behind and quickly recover so that you can once again create new beautiful memories with your family. Thank you too, for sharing your life with us, specially your travels. Get well!

    ReplyDelete